Ito ay isang tula ng paghingi ng tawad. Mahirap to, oo, dahil kilala mo ko. Ako yung tipo ng taong hindi hihingi ng tawad lalo na kung ayaw ko naman at sa tingin ko hindi karapa’t dapat. Mataas ang pride, kumbaga. Alam kong maririnig mo ito dahil nandito ka lang, nanood, nagmamasid, nag-aabang na sana, sana, ako’y bumalik.

Bumalik sa ating saya at mga ngiti,

sa ating pagtingin na walang makapapalit,

sa ating mga pangakong pinanghawakan at kinubli.

Una sa lahat, ikaw na ang aking kilala. Bago pa man lahat sila, ikaw na ang lagi kong kasama. Mula sa pagmulat ng mata, umaga hanggang gabi tayo lang, minamasdan ang mga taong nasa paligid natin, pinag-uusapan ang mga bagay na walang nakakaalam, mga sikretong mananatili lang sa ating dalawa. Mga salita ng pag-ibig na walang makakapantay at kasiguraduhan ng habambuhay. Ang pagpapalitan ng ‘sayo lang ako, ikaw lang talaga’ na ang akala mo ay pangakong hinding-hindi ko bibitawan.

Ngunit, pasensya na, nandito tayo ngayon, nasa gitna ng mga salitang ‘mahal kita’ at ‘mahal ko siya’. Kahit anong tagal ng ating pagsasama ay di parin napigilan ng puso kong maghanap ng iba… at marami pang iba. Kung marami lang ang aking puso ito’y naubos na kakabigay sa kanila. Ang galing galing, diba?
Alam kong ikaw ang nagturo sakin na magmahal pero eto ka, minamasdan ang saya ng puso ko sa piling ng iba. Hindi ko alam paano mo nagagawang maging masaya, dahil paglubog ng araw ay sayo rin ako bumabalik habang ibinabalandra ang basag basag na puso para ako’y iyong tulungan na buuin ito muli.

Para muli ko itong magamit sa pagsikat ng bagong umaga na sa tingin ko nama’y bago ring pag-asa… dahil ganun ka, diba?

Ikaw ang bumubuo sa puso ng mga tao na nagpapawasak sa iba. Hindi ko alam paano mo iyon nagagawa. Unti-unti ka nang nasisira pero kinabukasan ay ayos na ulit ang lahat, tinatago ang sakit sa iyong ngiti at magmamahal nalang ulit.

Pasensya na, kung alam ko ang lahat ng ito ngunit nagpipikit mata nalang at binabaling ang tingin sa iba.

Ngayon ko lang naisip, ngayon ko lang napagtanto na ikaw nga pala.

Ikaw ang dahilan kung bakit ko siya nakilala at bakit ngayon kami ang magkasama.

Ikaw nga pala ang nag-aayos sa puso kong lagi nalang nasisira dahil sa dami ng sakit na pinagdadaanan.

Huli na ba ang lahat? Sana hindi pa. Patawarin mo ko. Sorry, sorry na.
Patawarin mo ko kung sa lahat ng ginawa mo ay wala akong ginagawa kundi saktan ang puso mo.
Pasensya na kung ikaw ang tinatakbuhan ko kapag ang aking puso ay naghihinalo at nawawala ang mga piraso.
Pasensya na kung sirang-sira ka na pero pinipilit parin kita na magbahagi ng kahit kakarampot lang na parte ng puso mo, mabuo man lang ang akin. Sobrang napakamakasarili, oo, kaya eto ako ngayon, muling ibinabalik ang mga parte na hiniram sayo.

Kunin mo na.
Parang awa, ayoko nang masaktan ka pa.

Oo, mahal ko siya, at mananatiling ganun, ngunit kung wala ka, wala nang bisa ang lahat.

Ikaw, na nagturo sakin magmahal.

Ikaw, na nagpakita ng pagmamahal.

Ikaw, na lagi ko nalang tinatakbuhan.

Ikaw, na unang nagmahal.

Ikaw, na tunay kong mahal.

Sorry, Lord.

Advertisements